Gastritis (Adulto)
Ang gastiritis ay pamamaga at pagkairita ng lining ng sikmura. Maaari kang magkaroon nito sa maikling panahon (acute) o maaari itong maging pangmatagalan (chronic). Ang impeksyon ng bakterya na tinatawag na H. pylori ang pinakamadalas na nagiging sanhi ng gastritis. Mahagit 1 sa 3 tao sa U.S. ay mayroon nitong bakterya sa kanilang katawan. Sa maraming kaso, hindi nagdudulot ang H. pylori ng mga problema o sintomas. Ngunit sa ilang tao, nagiging sanhi ng iritasyon ang impeksyon sa lining ng sikmura at nagdudulot ng gastritis. Maaaring matuklasan ang H. pylori sa pamamagitan ng pagsusuri sa dugo, dumi, o hininga, o sa pamamagitan ng biopsy sa panahon ng endoscopy. Kasama sa iba pang idinudulot ng iritasyon sa sikmura ang pag-inom ng alak, paninigarilyo o pagnguya ng tabako, o pag-inom ng mga gamot para sa kirot na tinatawag na nonsteroidal anti-inflammatory drugs (mga NSAID), tulad ng aspirin o ibuprofen. Ang ilang ilegal na droga (tulad ng cocaine) at mga kondisyong immune ay maaari ding maging sanhi ng gastritis.

Kabilang sa mga sintomas ng gastritis ang:
-
Pananakit ng tiyan o pamamaga ng tiyan
-
Pakiramdam na busog kaagad
-
Pagkawala ng gana
-
Pagkahilo o pagsusuka
-
Pagsusuka ng dugo o pagkakaroon ng maitim na dumi
-
Pakiramdam na mas pagod kaysa sa karaniwan
Ang isang namamaga at iritadong lining ng sikmura ay mas malamang na magkaroon ng sugat na tinatawag na ulcer. Para matulungang maiwasan ito, dapat na masuri at magamot ang gastritis sa sandaling mangyari ang mga sintomas.
Pangangalaga sa tahanan
Kung kinakailangan, maaaring magreseta ng mga gamot ang iyong tagapangalaga ng kalusugan. Kung mayroon kang impeksyon sanhi ng H. pylori, ang paggamot nito ay malamang na magpahupa ng iyong mga sintomas. Makatutulong ang iba pang pagbabago para mabawasan ang iritasyon sa sikmura at makatulong na mapagaling ito.
-
Uminom ng mga inireresetang gamot ayon sa itinagubilin. Kung niresetahan ka ng mga gamot para sa impeksyon sanhi ng H. pylori, inumin ito ayon sa itinagubilin. Inumin lahat ng gamot hanggang sa maubos ito o hanggang sa sabihin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na ihinto ito, kahit pa mabuti na ang iyong pakiramdam.
-
Sundin ang mga tagubilin ng tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga NSAID. Maaaring payuhan ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na huwag kang uminom ng mga NSAID. Kung umiinom ka araw-araw ng aspirin para sa iyong puso o iba pang medikal na kadahilanan, huwag ihinto nang hindi muna nakikipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Huwag uminom ng alak. Kung kailangan mo ng tulong upang ihinto ang iyong pag-inom ng alak, itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para sa mga mapagkukunan sa paggamot.
-
Ihinto ang paninigarilyo. Makapagpapairita sa sikmura at magpapaantala sa paggaling ang paninigarilyo. Hangga't maaari, lumayo sa usok ng ibang naninigarilyo. Kung naninigarilyo ka at nahihirapang huminto, humingi ng tulong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa tagapangalaga ng iyong kalusugan, o ayon sa ipinayo. Maaaring kailanganin mo ng pagsusuri para malaman ang pamamaga o ulcer.
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tawagan ang tagapangalaga ng iyong kalusugan para sa alinman sa mga sumusunod:
-
Pananakit ng sikmura na lumalala o lumilipat sa ibabang kanan ng tiyan (bahaging appendix)
-
Pananakit ng dibdib na dagliang lumilitaw o lumalala, o kumakalat papunta sa likod, leeg, balikat, o braso
-
Madalas na pagsusuka (hindi mapanatiling bumaba ang mga likido)
-
Dugo sa dumi o suka (pula o itim ang kulay)
-
Nanghihina o nahihilong pakiramdam
-
Kakapusan sa hininga
-
Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Mga sintomas na lumalala, o mga bagong sintomas
Online Medical Reviewer:
Jen Lehrer MD
Online Medical Reviewer:
Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer:
Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Date Last Reviewed:
2/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.