Abscess (Paggamot ng Antibayotiko Lamang)
Nangyayari ang abscess kapag nakulong ang bakterya sa ilalim ng balat at nagsimulang dumami. Namumuo ang mga nana sa loob ng abscess habang gumagawa ng reaksyon ang katawan sa bakterya. Maaaring mangyari ang abscess sa isang kagat ng insekto, ingrown na buhok, baradong glandula ng langis, tagihawat, cyst, o malalim na sugat. Kung minsan, tinatawag itong pigsa.
Sa mga unang yugto, maaaring mapula at masakit ang iyong sugat. Para sa yugtong ito, maaari kang gumamit ng mga antibayotiko. Kung hindi gumaling ang abscess sa mga antibayotiko, kakailanganin itong patuluin sa isang maliit na hiwa.
Pangangalaga sa tahanan
Makatutulong ang mga payong ito sa pangangalaga mo ng iyong abscess sa bahay:
-
Ibabad ang sugat sa mainit na tubig o lagyan ng mainit na pakete (maliit na tuwalyang ibinabad sa mainit na tubig) ang lugar sa loob ng 20 minuto bawat pagkakataon. Gawin ito 3 hanggang 4 na beses sa isang araw, o ayon sa itinagubilin. Gumamit ng bagong tuwalya sa bawat pagkakataon. Labhan ang mga tuwalya pagkatapos dahil maaaring kontaminado ang mga ito ng bakterya pagkatapos gamitin.
-
Huwag na ikaw mismo ang humiwa, pumiga, o magpaputok sa pigsa.
-
Lagyan ng antibayotiko na krema o ointment ang balat 3 hanggang 4 na beses sa isang araw, maliban kung iba ang inireseta. May kasamang antibayotiko at pamawi ng pananakit ang ilang ointment.
-
Kung nagreseta ang iyong tagapangalaga ng kalusugan ng mga antibayotiko, huwag ihinto ang pag-inom ng mga ito hanggang maubos ang gamot, o sinabihan kang huminto.
-
Maaari kang gumamit ng mga gamot na nabibili nang walang reseta upang makontrol ang pananakit, maliban na lang kung may ibang iniresetang gamot para sa pananakit. Kung ikaw ay may pangmatagalang sakit sa atay o bato, o nagkaroon ng ulcer sa sikmura o pagdurugo ng pantunaw, makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago inumin ang mga gamot na ito.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa tagapangalaga ng iyong kalusugan, o ayon sa ipinayo. Tingnan ang iyong sugat araw-araw para sa mga palatandaan na maaaring lumulubha ang impeksiyon (tingnan sa ibaba).
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Tumitinding pamumula o pamamaga
-
Mapupulang bahid sa balat mula sa abscess
-
Tumitinding pananakit sa lugar ng sugat o pamamaga
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Nana o likidong lumalabas mula sa abscess
-
Bumabalik ang pigsa pagkatapos gumaling
Online Medical Reviewer:
L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer:
Michael Lehrer MD
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Date Last Reviewed:
2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.