Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Tonsillitis sa mga Adulto

Ang tonsillitis ay pamamaga at pamumula (inflamation) ng mga tonsil. Nangyayari ito kapag naimpeksiyon ang tonsil ng virus o bakterya. Ang mga tonsil mo ay 2 kulay rosas, bilo-haba na mga lymph gland sa likod ng iyong lalamunan. Bahagi ang mga ito ng iyong immune system. Tumutulong ang sistemang ito sa iyong katawan na labanan ang impeksiyon. Tumutugon ang mga tonsil kapag nakapasok ang mga mikrobyo sa iyong ilong at bibig.

Karaniwan na ang tonsillitis. Kadalasang nakikita ito sa mga bata, ngunit nangyayari din ito sa mga adulto.

Madaling maipapasa ang mga virus at bakterya na sanhi ng tonsillitis mula sa isang tao tungo sa iba.

Harap na kuha ng mukha na may nakabukas na bibig na ikinukumpara ang oral cavity at mga tonsil na may namamagang lalamunan at lumaking mga tonsil.

Ano ang nakapagdudulot ng tonsillitis?

Kadalasang sanhi ng virus ang tonsillitis.

Kabilang sa karaniwang virus na nagiging sanhi ng tonsillitis ang mga:

  • Mga virus ng sipon

  • Mga adenovirus

  • Virus na Epstein-Barr

  • Nakakaimpeksyong mononucleosis

  • Herpes simplex virus

  • Cytomegalovirus

  • Measles

Sa ilang kaso, sanhi ng bakterya ang tonsillitis. Ang bacterial tonsillitis ay kadalasang tinatawag na strep throat. Group A beta-hemolytic streptococcus ang pinakakaraniwang uri ng bakterya na nagdudulot ng tonsilitis. Naikakalat ang bakterya sa pamamagitan ng mga maliliit na patak sa hangin. Nangyayari ito kapag umubo o bumahing ang isang taong may impeksiyon. Puwede rin itong maikalat sa pamamagitan ng pagsasalo sa pagkain o inumin.

Mga sintomas ng tonsillitis

Ang mga sintomas ay depende kung anong uri ng tonsillitis ang mayroon ka. Mayroong ilang uri ng tonsillitis.

Malala (Acute) tonsillitis

Kadalasang nawawala ang mga sintomas para sa ganitong uri ng tonsilities sa loob ng ilang araw. Pero puwede itong tumagal ng hanggang 2 linggo. Sa ilang kaso, bumabalik ang mga sintomas pagkatapos magawa ang paggamot. Tinatawag itong malalang umuulit na tonsillitis. Kabilang sa mga sintomas ang:

  • Lagnat

  • Pamamaga ng lalamunan

  • Mabahong hininga

  • Hirap sa paglunok

  • Pagkawala ng tubig sa katawan (dehydration)

  • Masakit na mga kulani sa leeg

  • Pagkapagod

  • Paghilik, mahimbing na pagtulog, o paghinga sa pamamagitan ng bibig

  • Mapuputing pantal, nana, o mapulang tonsil

  • Mapulang pantal sa katawan

Chronic tonsillitis

Tumatagal ang impeksiyon o inflammation nang ilang buwan para sa ganitong uri. Kabilang sa mga sintomas ang:

  • Nagtatagal na masakit na lalamunan

  • Mabahong hininga

  • Nagtatagal na masakit na mga kulani sa leeg

  • Naiipon sa mga tonsil ang mga bakterya at mga labi. Tinatawag itong mga bato sa tonsil.

Peritonsillar abscess

Ito ang malalang anyo ng tonsillitis. Nangyayari ito kapag ang kumpol ng nana (isang abscess) ay nabuo sa palibot ng tonsil. Kailangan na magamot ka kaagad. Makakatulong ito na maihinto ang pamumuo ng nana na bumabara sa iyong daanan ng hangin. Kabilang sa mga sintomas ang:

  • Malalang pananakit ng lalamunan

  • Hirap na ibuka ang bibig

  • Paglalaway

  • Boses na tila barado ang lalamunan

  • Hirap sa paghinga

  • Posibleng mas malaking tingnan ang isang tonsil

Pag-diagnose ng tonsillitis

Kung may mga sintomas ka, makipagkita sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. O magpatingin sa isang tagapangalaga ng kalusugan ng tainga, ilong, at lalamunan (ENT o otolaryngologist).

Tatanungin ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga sintomas mo. Susuriin din niya ang iyong tainga, ilong, at lalamunan para sa anumang pamamaga at impeksiyon. Kakayurin ng doktor ang iyong mga tonsil o ang likod ng iyong lalamunan. Susuriin ang sampol na ito sa klinika ng doktor para sa strep throat. Tinatawag itong rapid strep test. Handa na agad ang resulta sa loob lamang ng ilang minuto. Pero mayrong hindi tumpak na negatibong resulta sa ganitong pagsusuri. Kung may tanong tungkol sa mga resulta, magpapadala rin ang tagapangalanga ng sample sa isang laboratoryo para sa pagsusuri (kultura ng lalamunan). Tatagal nang 24 oras o mas matagal pa bago malaman ang resulta. Pero mas tumpak ang throat culture.

Paggamot sa tonsillitis

Nakadepende ang paggagamot sa kung ano ang nagiging sanhi ng tonsillitis. Kung ito ay sanhi ng bakterya, magrereseta ang doktor mo ng mga antibayotiko para makatulong sa paggaling. Tapusin ang lahat ng gamot kahit pa nagsisimula nang bumuti ang pakiramdam.

Hindi magagamot ng mga antibayotiko ang tonsillitis na sanhi ng virus. Kadalasang nawawala nang kusa ang ganitong uri ng impeksyon. Malamang na kailangan mo lamang ng pangangalaga sa tahanan. Makatutulong din ang pahinga at mga likido. Sundin ang mga tip na ito sa tahann para matulungang humupa ang iyong mga sintomas:

  • Magkaroon ng maraming pahinga.

  • Uminom ng maraming likido, tulad ng tubig, sopas, sabaw, at tsaa na may honey at lemon.

  • Kumain ng malalambot na pagkain, tulad ng ice cream, applesauce, at mga gelatin na may flavor.

  • Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin.

  • Gumamit ng pang-isprey sa lalamunan na nabibili nang walang reseta o lozenges para sa pananakit ng lalamunan.

  • Uminom ng gamot para sa lagnat at pananakit na nabibili nang walang reseta, ayon sa itinagubilin.

  • Gumamit ng cool-mist humidifier para panatilihing mamasa-masa ang hangin.

Sa mga malalang kaso, ang isa ay posibleng nauubusan ng tubig sa katawan o may baradong daanan ng hangin. Malamang kailangan nilang ipaospital.

Posibleng kailangan ang operasyon para tanggalin ang mga tonsil (tonsillectomy) kapag mayroon ka ng alinman sa mga ito:

  • Chronic tonsillitis

  • Pabalik-balik na tonsillitis

  • Nakakasagabal na hirap sa paghinga kapag natutulog (Obstructive sleep apnea)

  • Malalang umuulit na tonsillitis

Kung mayroon kang nana sa tonsil (peritonsillar abscess), posibleng gawin ang operasyon para alisin ang nana.

Pag-iwas sa tonsillitis

Ang mismong tonsillitis ay hindi naikakalat. Pero ang virus at bakterya na nagiging sanhi nito ay puwedeng maipasa mula sa isang tao tungo sa iba.

Walang bakuna o gamot ang makakapigil sa tonsillitis. Makakatulong ang mga tip na ito para mapigilan kang maikalat o mahawa ka ng sakit na nagdudulot ng tonsillitis:

  • Lumayo sa sinumang may sakit hangga't maaari.

  • Huwag ipahiram ang mga kagamitan sa pagkain, basong iniinuman, mga sipilyo, o iba pang personal na bagay sa sinumang maysakit.

  • Hugasan nang wasto ang iyong mga kamay. Madalas na hugasan ang mga ito gamit ang sabon at malinis na tubig nang hindi bababa sa 20 segundo. Gumamit ng hand sanitizer na may hindi bababa sa 60% alkohol kapag hindi ka makapaghugas ng iyong mga kamay.

  • Takpan ang iyong bibig kapag umuubo o bumabahin.

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:

  • Nahihirapang huminga o magsalita

  • Nahihirapang lumunok o ibuka ang bibiga

  • Namamagang bibig at lalamunan

  • Paglalaway

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tawagan ang tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga sumusunod ang mangyari:

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

  • Bukol na lumalaki

  • Lumalalang pananakit ng lalamunan o pananakit ng leeg

  • Hindi mo maibuka nang mabuti ang iyong bibig. Tinatawag itong lockjaw o trismus.

  • Hindi maigalaw na leeg

  • Pagdurugo

  • Masakit na paglunok

  • Sobrang sama ng pakiramdam

  • Masakit na lalamunan na mahigit nang 2 araw

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by StayWell
Disclaimer