Paggamit ng Talaan ng Asukal sa Dugo
Mayroon kang diabetes. Nangangahulugan ito na nahihirapan ang iyong katawan na kontrolin ang asukal sa dugo (glucose). Suriin ang lebel ng iyong asukal sa dugo ayon sa ibinilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan upang makatulong na pangasiwaan ang iyong diabetes. Magpanatili ng talaan ng iyong mga lebel ng asukal sa dugo upang matulungan kang subaybayan ito. Isa itong simple at madaling paraan upang makita kung gaano mo kahusay na kinokontrol ang iyong diabetes.

Pagsusuri sa lebel ng iyong asukal sa dugo
Suriin ang iyong asukal sa dugo gamit ang blood glucose meter. Una, hugasan ang iyong mga kamay sa loob ng 20 segundo at patuyuin ang mga ito. Susunod, tusukin mo ang bahagi ng iyong daliri gamit ang maliit na lanseta o device na panghiwa na may spring upang kumuha ng kaunting patak ng dugo papunta sa test strip.
Pumupunta muna ang strip sa meter. Susunod, ilagay ang isang patak ng dugo sa dulo ng strip. Ipinakikita ng metro ang lebel ng iyong asukal sa dugo. Dapat nasa iyong target na range ang iyong mga sukat nang mas madalas hangga't maaari. Nangangahulugan ito na hindi masyadong mataas o mababa. Tumutulong ang pananatili sa range na ito na mapababa ang iyong panganib na magkaroon ng mga problema. Tutulungan ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na humanap ng target na range na pinakamahusay para sa iyo.
Hinahayaan ka ng ilang glucose meter na gumamit ng isa pang bahagi sa iyong katawan upang mag-test. Pero hindi dapat gamitin ang iba pang bahaging ito sa ilang pagkakataon dahil maaaring hindi maging tumpak ang mga ito. Sundin ang mga tagubilin para sa iyong glucose meter. At makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gawin ang pagsusuri sa iba pang lugar.
Patuloy na pagmo-monitor ng glucose (CGM)
Kung mayroon kang type 1 o type 2 diabetes, maaari kang matulungan ng patuloy na pagmo-monitor ng glucose (CGM) upang mas mapangasiwaan ang iyong asukal sa dugo. Sinusubaybayan nito ang lebel ng iyong asukal sa dugo sa buong araw at gabi. Matutulungan ka nitong mas mahusay na pumili ng pagkain at mga gawaing pisikal. Matutulungan ka nito sa pag-inom ng mga gamot. Makahahanap din ito ng mga trend na makatutulong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan na mas mapangasiwaan ang iyong diabetes. Ibinibigay rin sa iyo ng CGM ang porsyento ng oras na nasa normal na range ang iyong asukal sa dugo. Sinasabi rin nito sa iyo kapag masyado itong mataas o masyadong mababa. Tinatawag itong time-in-range. Para sa karamihan, ang target ay 70% at ang target na range ay nasa pagitan ng 70 at 180 mg/dL. Nakabase ang iyong range sa iyong edad at iba pang kadahilanan.
Maaaring isaalang-alang ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang CGM kung na-diagnose ka kamakailan at kailangang gumamit ng insulin. Pinakamainam ito para sa mga taong kailangang magkaroon ng mahigpit na pagkontrol ng asukal sa dugo. Tinutulungan din nito ang mga taong maaaring hindi makapansin sa mga sintomas ng mababang asukal sa dugo. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung tama ang CGM para sa iyo.
Magagamit ang ilang device na CGM. Aprubado ang mga ito ng FDA. Kakailanganing ireseta ng iyong tagapangalaga ang device para sa iyo. Kasama sa device ang isang sensor, transmitter, at receiver o monitor. Ang sensor ay isang maliit na device na inilalagay sa ilalim ng balat. Sinusukat nito ang iyong asukal sa dugo sa bawat ilang minuto. Nagpapadala ang transmitter ng impormasyon sa isang receiver. Maaaring ito ay bahagi ng isang insulin pump o hiwalay na device. Maaaring mayroon itong alarm upang magbigay babala sa iyo o sa ibang tao kung sobrang mababa o sobrang mataas ang iyong asukal sa dugo.
Maaaring kailangan pa ring masuri ang iyong asukal sa dugo nang ilang beses bawat araw gamit ang isang regular na glucose meter upang matingnan ang katumpakan. Kailangang palitan ang sensor sa ilalim ng balat tuwing 7 hanggang 14 na araw. May hindi bababa sa isang modelo ang gumagamit ng isang sensor na itinanim sa ilalim ng balat. Maaari itong gumana nang hanggang sa 180 araw. Inilalagay at inaalis ng iyong tagapangalaga ang mga itinanim na sensor.
Pagsubaybay sa iyong mga sukat
Irekord ang mga sukat sa iyong log book o gamit ang isang online app sa tuwing susuriin mo ang iyong asukal sa dugo. Maaari ding mayroong memory feature ang iyong metro. Maaaring tingnan ito ng iyong tagapangalaga ng kalusugan sa iyong susunod na pagbisita. Maaaring sabihin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na suriin mo ang iyong asukal sa dugo sa umaga, bago matulog, at bago at matapos kumain. Isulat ang lahat ng iyong mga sukat. Gamitin din ang iyong talaan upang irekord ang mga bagay na maaaring nakaapekto sa iyong asukal sa dugo. Kabilang sa ilang halimbawa ang pagiging maysakit o dehydrated. Maaari ding kabilang dito ang pag-inom ng ilang gamot, pagiging pisikal na aktibo, pakiramdam na nai-stress, o paglaktaw sa mga pagkain.
Mga aral na natutunan mula sa iyong mga sukat
Tumutulong sa iyo ang pagsubaybay sa mga sukat ng iyong asukal sa dugo na makita ang mga pattern. Sinasabi nito sa iyo kung paano nakaaapekto ang iyong mga pagkilos sa iyong asukal sa dugo. Halimbawa, maaaring mayroon kang mas matataas na sukat pagkatapos kumain ng ilang pagkain. O maaaring mayroon kang mas mababang sukat pagkatapos ng pag-eehersisyo. Tumutulong ito sa iyo na maintindihan kung paano manatili sa iyong target na range.
Pagbabahagi ng iyong talaan sa iyong pangkat ng pangangalaga ng kalusugan
Isulat ang mga tanong sa iyong talaan ng asukal sa dugo. Dalhin ang talaan at ang glucose meter sa lahat ng iyong appointment. Makatutulong ito sa iyong pangkat ng pangangalaga sa kalusugan na gumawa ng mga pagbabago sa iyong plano ng paggamot, kung kinakailangan. Maaaring mangahulugan ito na paggawa ng mga pagbabago sa kung ano ang kinakain mo, ano-anong gamot ang iniinom mo, o kung gaano katagal ka nag-eehersisyo.
Upang matuto nang higit pa
Maaaring makatulong sa iyo ang mga mapagkukunang nasa ibaba upang matuto nang higit pa:
-
American Diabetes Association sa www.diabetes.org o 800-342-2383
-
National Eye Institute sa www.nei.nih.gov o 301-496-5248
-
Hormone Health Network sa www.hormone.org o 800-467-6663